50 katao nalason sa karne ng kalabaw
MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit 50 katao ang naratay sa pagamutan matapos na mabiktima ng food poisoning sa kinaing karne ng kalabaw sa liblib na lugar ng Sitio Tinugas, Brgy. Ned, Lake Sebu, South Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni Police Regional Office (PRO) 12 Director P/Chief Supt. Benjardi Mantele, nakaranas ng pagkahilo, matinding pagsusuka at pananakit ng tiyan ang mga biktima bunsod upang isugod ang mga ito sa pagamutan.
Sinabi ni Mantele na 12 sa mga biktima ay mga bata na kasalukuyan ng nagpapagaling sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City habang 40 naman sa mga biktima ay ginagamot sa ibang pagamutan.
Lima sa mga biktima ay kinilalang sina Rian Casuyon, 4-anyos; Mark Casuyon, 5; Renz Casuyon, 9; Riza Tambasin, 24; Nuralyn Janoi, 46-taong gulang habang ang iba pa sa mga biktima ay mga residente ng nasabing komunidad na malayo sa kabayanan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagkasakit ang kalabaw kaya kinatay ito ng may-ari na isa ring residente sa lugar at ipinamigay ang karne sa kaniyang mga kapitbahay sa komunidad may ilang araw na ang nakalilipas.
Ang Brgy. Ned ay matatagpuan sa bulubunduking hangganan ng lalawigan ng South Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat na aabutin ng hanggang limang oras na biyahe bago marating mula sa kabayanan ng Lake Sebu.
Ang insidente ay nakarating sa lokal na pamahalaan nitong Huwebes lamang ng hapon kung saan agad nagpadala kinagabihan ng medical team at dump truck para maghatid ng medical supplies sa mga residenteng nagkasakit.Patuloy namang iniimbestigahan ang naganap na food poisoning.
- Latest
- Trending