Kampo Alejo Santos, Malolos City ,Philippines — Dalawang katao ang naaresto ng pulisya sa magkasunod na operasyon sa magkahiwalay na lugar na nagresulta sa pagkakakumpiska ng ilang gramo ng shabu at isang baril na walang lisensya.
Ayon kay Provincial Director, Sr. Supt. Fernando Mendez Jr. nakunan ng limang gramo ng shabu si Abet Ambiong, tubong Marawi City at residente ng Riverside, Brgy. Tala, Caloocan City habang nakuhanan naman ng isang .38 revolver si Rey John Tumlad ng Brgy. Gabihan sa bayan ng San Ildefonso.
Base sa isinumiteng ulat ni P/Supt. Fitz Macariola ng Provincial Public Safety Company dakong alas-3:10 ng hapon habang nagsasagawa ang kanyang mga tauhan ng 4th Manuever Platoon ng isang police checkpoint hinggil sa ‘No Helmet No Ride Policy’ sa isang lugar sa Brgy.Tigbe sa bayan ng Norzagaray ay dumating ang isang motorsiklong sakay ang suspect na si Ambiong na walang plaka at helmet na naging dahilang upang beripikahin ito at habang inuusisa ito ay napansin sa loob ng isang sisidlan ng sigarilyo ang nakatagong shabu na nasa kanyang bulsa.
Dakong alas-2:20 naman ng madaling-araw ay nagsagawa ng Operation Bakal ang mga elemento ng 2nd Manuever Platoon sa mga videoke bar sa isang lugar sa Brgy. Pala-pala sa bayan ng San Ildefonso at habang kinakapkapan ang suspek na si Tumlad ay nakita dito ang nakatagong baril at mga bala sa kanyang baywang.
Agad na kinasuhan ng paglabag sa R.A.9165 (Comprehensive Drugs Act of 2002 ) si Ambiong habang paglabag sa R.A. 8294 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) si Tumlad.