MANILA, Philippines - Pinalaya ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang dalawang bihag ng mga ito sa magkakahiwalay na insidente sa lalawigan ng Basilan at Sulu kamakalawa.
Ayon kay Director Felicisimo Khu, Chief ng Directorate for Police Operations-Western Mindanao, dakong alas-6 ng gabi ng palayain ng mga bandido ang 16-anyos na estudyanteng si Nico Sebastian sa hangganan ng Brgy. Semut at Canas, Tuburan, Basilan.
Sinabi ni Khu na si Sebastian ay itinurn-over ng mga emisaryo ng mga bandido ang biktima kay Mayor Rhoderick Furigay pero hindi malinaw kung nagbayad ito ng ransom. Si Sebastian ay dinukot ng mga armadong kalalakihan noong Mayo 19 sa Brgy. Lumuton, Lamitan City, Basilan.
Samantala, pinalaya na rin kamakalawa ng Abu Sayyaf ang tripulante ng Mega Fishing Company na si Jonald Ocsimar sa lalawigan ng Sulu.
Inihayag ni Khu na nagbayad ng P300,000 na board and lodging ang pamilya ni Ocsimar kapalit ng kalayaan nito habang patuloy naman ang rescue operations sa dalawa pa nitong kasamahan na sina boat captain Renato Panisales at Assistant Engineer Wennie Ferrer.