5 tiklo sa droga, baril at bomba

ZAMBALES ,Philippines  – Limang miyembro ng notoryus na grupo ng kriminal na sinasabing nagpapakalat ng bawal na droga at nagbebenta ng baril ang na­dakma ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales noong Biyernes ng gabi.

Kabilang sa mga suspek na nadakma ay sina Ireneo “Iniong” Meron, 56, lider ng grupo; Bembol Marquez, 32; Cipriaco “Nonong” Marquez, Milagros “Mila” Meron, 54, at si Renie “Bot-Bot” Meron, 27, pawang nakatira sa #619 Pecson St., Barangay North Poblacion, sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales.

Sa police report na nakarating kay Zambales PNP director P/Senior Supt. Rafael P. Santiago, naaresto ng grupo nina P/Senior Insp. Generico Binan at P/Insp. Ronnie Caagbay ang mga suspek sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Aida B Basa-Diviva ng Masinloc Municipal Trial Court.

Nasamsam sa mga suspek ang dalawang malala­kas na kalibre ng baril, iba’t ibang uri ng bala ng baril, kilu-kilong ammonium nitrate; 50 pirasong blasting caps, mga rolyo na detona­ting cord, mga materyales sa paggawa ng bomba at motorsiklo na may plakang ZE7234.

Show comments