Call center agent ni-rape sa paradahan
MANILA, Philippines - Masaklap na kapalaran ang sinapit ng isang 18-anyos na call center agent makaraang halayin at pinagnakawan pa ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa madilim na bahagi ng paradahan ng mga sasakyan sa Alinsug Street sa Barangay Paknaan, Mandaue City, Cebu kamakalawa.
Naganap ang krimen bandang ala-1:40 ng madaling-araw may 500 metro lamang ang layo sa bahay ng biktima nang lapitan ng dalawang lalaki na sinasabing lango sa bawal na droga.
Ayon kay City PNP Director P/Senior Supt. Noel Gillamac, pauwi na ang biktima mula sa trabaho nang harangin at holdapin.
Isa sa rapist ay nagtanong pa ng oras sa biktima habang ang isa naman ay biglang naglabas ng patalim sabay deklara ng holdap kung saan puwersahang hinablot ang bag ng dalaga.
Nang makuha ang bag ay kinapkapan pa ang biktima na hindi pa nakuntento ay hinila sa madilim na paradahan saka isinagawa ang maitim na balak.
Kaagad na tumakas ang dalawa tangay ang bag na napagtripan din bitbitin ang pantalon at underwear ng kawawang call center agent.
Pinahiram naman ng palda ng ilang residente ang biktima kung saan sinamahan sa himpilan ng pulisya para magreklamo.
Sa kasalukuyan ay nakatulala pa ang biktima kung saan sumailalim na sa medical examination sa Vicente Sotto Memorial Center sa Cebu City.
May teorya ang pulisya na mga residente rin sa nasabing barangay ang mga rapist.
- Latest
- Trending















