Bisor pumalag sa holdap, grabe

MANILA, Philippines - Isang 39-anyos na supervisor sa gasolinahan na sinasabing pumalag sa holdap ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa Digos City, Davao del Sur kahapon ng umaga. Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan si Rodelito Capa, supervisor sa Shell gasoline station sa kahabaan ng Rizal Street sa Digos City. Sa police report na nakara­ting kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng umaga kung saan sumulpot ang mga holdaper na magkaangkas sa motorsiklo. Nagdeklara ng holdap sa biktima habang hawak ang clutch bag na naglalaman ng malaking halaga mula sa gasolinahan na idedeposito sana nito sa banko. Nanlaban naman ang biktima kaya nairita ang holdaper at binaril ito saka mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Nagsasagawa na ng follow-up operations ang pulisya upang matukoy ang mga holdaper.

Show comments