LA TRINIDAD, Benguet, Philippines — Kamatayan ang sumalubong sa apat-katao kabilang ang dalawang alagad ng batas makaraang pagbabarilin ng lango sa alak na pulis sa bayan ng Tinoc, Ifugao noong Sabado ng gabi.
Lumilitaw na nakikipag-inuman ang suspek na si P01 Mark Davis Dulnuan ng Second Maneuver Company ng Regional Public Safety Battalion sa Regional Police Office Cordillera nang ratratin ang mga biktimang sina P01 Leodinep Biniwan, P01 Tom Udan, Benjamin Madino Jr. at si Marcial Calyaen.
Pawang nasawi ang mga biktima ilang minuto matapos isugod sa Tinoc District Hospital dahil sa maselang tama ng bala ng cal. 45 pistola ng suspek na si Dulnuan.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumilitaw na nagkainitan sa argumento sina Dulnuan at dalawa nitong kabarong pulis kaya naganap ang pagdating ni kamatayan.
Kaagad namang ipinag-utos ni Cordillera police director Chief Supt. Villamor Bumanglag ang agarang imbestigasyon habang sinibak naman sa puwesto ang unit commander na si P/Senior Inspector Geron Managtag.
Nalalagay naman sa balag ng alanganin ang inaasam ng Cordillera region’s police force na maging country’s best regional police office sa darating na Annual General Inspection and Operations/Operational Readiness Security Inspection Test and Evaluation na idaraos sa PNP headquarters.