LEGAZPI CITY, Philippines — Ligtas na nakabalik sa kanilang mga pamilya ang 2 mangingisda matapos ang halos walong araw na pagpapalutang-lutang sa karagatan sa kasagsagan ng bagyong Falcon. Nakilala ang mga ito na sina Rolando Tabor, 28-anyos at Denver Sta Ines, 26, pawang mga residente Brgy. San Vicente , Virac , Catanduanes na nauna ng napaulat na nawawala. Ayon kay Catanduanes Gov. Joseph Cua, bandang alas-6 ng umaga kahapon na ikinatuwa ng kani-kanilang mga pamilya matapos na sila ay matagpuan ng kanilang mga kasamahang lokal na mangingisda. Sa salaysay ng mga ito, naubusan ng gasolina ang kanilang bangka sa gitna ng karagatan habang humahagupit ang bagyong Falcon noong Hunyo 22 habang pabalik na sila sa kanilang bayan. Subalit sa lakas na alon at ulan ay napadpad sila sa gitna ng dagat na tanging buhay na isda ang kinakain at sarili nilang ihi ang iniinom.