Manila, Philippines - Nagulantang ang mga residente matapos na matagpuan ang dalawang bangkay ng lalaki na kapwa walang ulo sa isang bakanteng lote kahapon ng umaga sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay Rizal PNP, Director P/Sr. Supt. Manuel Prieto, nadiskubre ang bangkay bandang alas-6 ng umaga sa Sitio Harangan, Brgy. Macabud ng nasabing bayan.
Nabatid na ilang residente sa lugar ang nakakita sa bangkay ng dalawa, ilang metro lamang ang layo sa bawat isa na nakasilid sa itim na garbage bag.
Ayon sa pulisya ang dalawa ay biktima ng summary execution o salvages na posibleng pinaslang sa ibang lugar at itinapon lamang sa Rodriguez, Rizal upang ilihis ang imbestigasyon.
Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang pulisya para mabatid kung sino ang mga biktima at patuloy pang hinahanap ang kanilang mga nawawalang ulo.