Mangingisda nilapa ng buwaya
PALAWAN, Philippines – Malagim na kamatayan ang sinapit ng 36-anyos na mangingisda matapos sagpangin at lapain ng buwaya sa ilog ng Sitio Marabahay, Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza, Palawan kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Inspector Aldrico Nangit, hepe ng Bataraza PNP ang namatay na si Edwin Lucero ng Sitio Malabajay, Barangay Riotuba.
Lumilitaw na nagtungo sa police station ang misis ni Lucero na si Belen para iulat na nawawala ang kanyang mister matapos umalis patungong ilog para manguha ng kahoy na panggatong noong Martes ng madaling-araw.
Nagsagawa naman ng search and rescue operation ang pulisya kasama ang mga lokal na opisyal ng barangay pero nabigong matagpuan ang biktima.
Bandang alas- 6 ng umaga kahapon nang makita ng kapatid ni Lucero na si Ellan ang buwaya sa may gilid ng ilog habang sakmal pa ang katawan ng kanyang utol.
“Nang makita raw ng buwaya ang babae, natakot daw ito at tumakbo hanggang sa maiwan nito ang bangkay na katawan ni Edwin,” pahayag ni P/Insp. Nangit
Narekober ang katawan ni Edwin na may marka ng matalim na ngipin ng buwaya sa kanyang tagiliran, balikat at dibdib habang nawawala ang kaliwang hita at paa nito.
“Tumaas kasi ang tubig sa ilog kaya posibleng inagos sa pampang ang buwaya hanggang sa matiyempuhan si Edwin,” dagdag ni Nangit.
Kilala ang Palawan sa kanilang crocodile farm na isa sa mga tourist attraction sa probinsya. Arnell Ozaeta at Joy Cantos
- Latest
- Trending