Killer ni Ruby Rose nadakma
BATAAN ,Philippines — Rehas na bakal ang binagsakan ng isa na namang most wanted person na pinaniniwalaang pangunahing suspek sa brutal na pagpatay kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez makaraang madakma ng mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Mariveles, Bataan kahapon ng madaling-araw.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Hector Almeyda ng Malabon Regional Trial Court Branch 170, nadakma ang suspek na dating opisyal ng pulisya na si Lennard “Sypke” Descalso, 36, sa bahay ng kanyang ama sa Road 2, Mountain View Village sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat ng pulisya, si Decalso ay dating warehouse officer ng Lopez Jimenez’ BSJ Fishing and Trading Company simula pa noong 2003.
“He actually went abroad to Saudi after the warrant was issued but he came back sometime during the last quarter of 2010 probably because he could not bear to be away from his family,” pahayag ni P/Senior Supt. Arnold Gunnacao, Bataan PNP director
Nabatid na nagpalipat-lipat ng pinagkukutaan ang suspek sa Batangas, Cavite at Bataan upang makaiwas sa pag-aresto kung saan positibong itinuro ni Manuel Montero na may kinalaman sa krimen.
Si Ruby ay kapatid ni ex-beauty queen at drama actress na si Rosselle Barrameda na ang pamilya ay patuloy na naghahanap ng katarungan.
Magugunita na ang biktima ay napaulat na nawawala noong Marso 14, 2007 sa kainitan na rin ng laban nito sa korte sa kaniyang mister na negosyanteng si Manuel Jimenez III kaugnay sa kustodya ng kanilang dalawang anak.
Natagpuan ang bangkay ng biktima noong September 2009 matapos na isinemento sa drum saka itinapon sa dagat ng Navotas.
- Latest
- Trending