CALUMPIT, Bulacan, Philippines – Idineklarang nasa state of calamity ang barangay Meysulao sa bayang ito upang matulungan ang may 200 katao na nabiktima ng food poisoning noong Sabado.
Nagsagawa naman kaagad ang local government ng bayang ito ng medical mission kasabay ang paalala sa mga residente na pakuluan ang tubig na inumim habang hinihintay ang resulta ng water testing sa mga tubig na kinolekta noong Lunes.
Batay sa tala ng Provincial Public Health Office (PPHO), umabot sa 196 katao ang apektado ng food poisoning sa Brgy, Meysulao noong Sabado.
Hindi pa mabatid ang pinagmulan ng food poisoning ng mga biktima na dumalo sa isang birthday party noong Sabado.