QUEZON, Philippines — Napigil ng mga awtoridad ang anumang balak na pananabotahe ng mga rebeldeng New Peoples Army makaraang maaresto ang isa sa bomb expert sa Barangay Bacong Ibaba sa bayan ng General Luna sa Quezon, kamakalawa ng hapon. Sumasailalim ngayon sa tactical interrogation sa 74th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Nieva ang suspek na si Cruzalde Villalon, 44, may-asawa, ng Barangay Bacong Ibaba. Ayon sa imbestigasyon nina SPO4 Luthgarda Garela at PO1 Archibald Almonte, dakong alas-3:40 ng hapon ay pinigil sa checkpoint ng Bravo Company, 74th IB ang suspek na lulan ng motorsiklo. Sa halip na huminto ay pinaharurot ng suspek ang motorsiklo kaya hinabol ito ng mga operatiba ng Army at pulisya. Pagsapit sa tapat ng bahay ng suspek ay huminto ito at muling nagpaputok ng baril habang pumapasok sa bahay at doon na ito nakorner at sumuko. Nasamsam sa suspek ang isang carbine, shotgun, mga bala, 2 combat shoes, flashlight, sako ng pottasiom nitrate na pangunahing sangkap sa paggawa ng bomba, 3 rolyo ng flat cord, rolyo ng detonating white cord, 4 na battery, 12 panturok at mga medical kit, 2 pantalon, blinker, backpack at travelling bag na naglalaman ng mga subersibong dokumento.