Manila, Philippines - Patay ang isang 77-anyos na lola matapos na masapul ng tama ng bala makaraang walang habas na nagpaputok ng baril ang isang dating miyembro ng Army sa bayan ng Tigbauan, Iloilo kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktima na si Perpetua Aliparo, residente ng Brgy. Danao ng nasabing bayan. Pinaghahanap naman ang suspek na mabilis na tumakas na si Elias Tial, ang nasibak na Army Sergeant dahilan sa madugong pag-aamok na ikinasawi ng tatlong nitong kasamahan kabilang ang 2 opisyal ng Army Special Forces sa Fort Bonifacio noong 2009. Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, bandang alas-7 ng gabi ng bigla na lamang walang habas na nagpaputok ng baril si Tial na pinagbabaril ang bahay ng pamilya Aliparo sa Brgy. Danao sa bayang ito. Nasapul ng tama ng bala ang matandang babae habang nagawa namang makatakbo ng matandang lalaking asawa nito at nakahingi ng tulong sa kanilang mga anak. Sa teorya ng pulisya, pinaniniwalaang naghiganti ang suspek sa mag-asawa na sinisisi nito sa pagkamatay ng kaniyang ama.Magugunita na noong 2009 ay nag-amok ang suspek dahil ayaw nitong sumailalim sa proseso nang hilinging makauwi sa Iloilo para dumalo sa burol ng ama kung saan pinagbabaril nito ang mga nagpupulong nitong opisyal na ikinasawi nina Capt. Dionillo Aragon,1st Lt. Gerald Fuentes at Master Sergeant Eliseo dela Cruz Jr.