QUEZON, Philippines – Isa na namang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group na sinasabing bihasa sa paggawa ng bomba ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang dragnet operation sa Purok Silverado, Barangay Dalahican, Lucena City, Quezon kahapon.
Pormal na sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Julani Luganao Sison alyas Mojak/Sali/ Jula na isinasangkot sa pambobomba sa bahagi ng Compostella Valley noong Enero 25.
Ayon kay P/Senior Supt. Ericson Velasquez, Quezon PNP director, nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Phils. (ISAF), Criminal Investigation and Detection Group at ilang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa pinagkukutaan ng suspek sa nasabing barangay.
Dito na inilatag ang operasyon at sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Hilarion Clapis ng Compostella Valley Regional Trial Court Branch 3 ay naaresto ang suspek na may kasong murder.
Nasamsam sa suspek ang 20 pirasong cellphone, electrical wire, 2 homemade shotgun, notebook na may mga kontak maliit na libro, SIM cards, false teeth at dalawang granada.