16-anyos pupugutan ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Nagbanta ang mga teroristang Abu Sayyaf na pupugutan nila ang dinukot na 16-anyos na lalaki kapag nabigo ang pamilya nito na magbigay ng P 2.5 milyong ransom sa lalong madaling panahon.
Sa ulat na nakarating sa AFP-Western Mindanao Command, ang demand ay ipinarating ng Abu Sayyaf Group sa pamilya ng biktimang si Nico Sebastian na dinukot sa Lamitan City, Basilan noong Mayo 19.
Si Sebastian ay unang napaulat na nawawala matapos na sunduin ito ng kaniyang kaibigang si Nadzmir Franciso alyas Marvin/Toto ng Tuburan, Basilan.
Nabatid na si Nadzmir ay pamangkin pala ng Abu sub-commander ng grupong terorista na nakabase sa bayan ng Tuburan na tuluyang bumihag sa binatilyo.
Noong Mayo 26 ay tumawag ang mga kidnaper sa pamilya ni Sebastian at ipinabatid sa mga ito na hawak nila ang binatilyo kung saan ay humingi na ng ransom noong Sabado (Mayo 28).
Kamakalawa ay ipinarating naman ng mga kidnaper na kailangang mapasakamay na nila ang ransom at kung hindi ay pupugutan nila ang biktima.
Ipadadala na lamang ang video ng pagpugot sa binatilyo kapag hindi nakapagbigay ng malaking halaga.
Patuloy ang search and rescue operation ng mga awtoridad sa naturang bihag.
- Latest
- Trending