5-anyos nene utas sa 10-anyos utol

BATANGAS, Philippines  — Masak­lap na kamatayan ang ina­bot ng 5-anyos na ba­tang babae matapos ak­sidenteng ma­baril ng sarili nitong 10-anyos na utol sa Lipa City, Batangas kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batan­gas police director ang napa­tay na si Realyn Mancilla ng Pu­rok 2, Brgy. Pangao sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa report, naglalaro ng baril-barilan sina  Mancilla at ang kanyang ka­patid na itinago sa pangalang Anna nang maganap ang aksidente bandang alas-2 ng hapon.

Lumilitaw sa imbestigasyon na kinuha ni Anna ang shotgun ng kanyang ama na nakatago sa ilalim ng kama kung saan itinutok sa kanyang kapatid na si Mancilla.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakalabit nito ang gatilyo kung saan tinamaan sa ulo ang biktima.

Kaagad naman tinungo ng ama ang pinagmulan ng putok ng kanyang shotgun at bumulaga ang kanyang anak na duguang nakabulagta sa kama habang nakatulala at umiiyak naman si Anna sa nagawa.

Ayon sa pulisya, walang kaukulang papeles ang Winchester 12-gauge shotgun na pinaniniwalaang pananagutan ng ama ang naganap na insidente.

Kasalukuyang dinala sa lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development ang batang si Anna.

Show comments