Magkaibigan dedo sa scuba diving

BATANGAS, Philippines – Kapwa sinalubong ni kamatayan ang magkaibigang trader at pulis matapos malunod habang nag-iiscuba diving sa beach resort sa bayan ng Mabini, Batangas kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Chief Ins­pector Elpidio Duenas, hepe ng Mabini PNP ang dalawa na sina Midori Abalos, 34, residente ng BGH Compound, Baguio City at PO3 Zaldy Lamsis, 35, nakatira sa Military Cut-Off Road, Baguio City at nakatalaga sa Police Security and Protection Group.

Ayon sa police report, nag-scuba diving ang dalawang sa Planet Dive Resort sa Sitio Balanoy, Barangay San Teodoro nang tangayin ng malakas na undercurrent bandang alas-4:19 ng hapon.

 “Masama ang panahon noong nag-scuba diving ang dalawa, maaring nag-panic noong higupin sila ng malakas na current sa ilalim ng tubig kaya kapwa nalunod,” pahayag ni Major Duenas

Natagpuan ang bangkay ni Abalos may ilang oras matapos itong malunod sa may 30-metrong layo mula sa shoreline ng nasabing resort.

Bandang alas-8 ng uma­ga naman kahapon nang matagpuan ang bangkay ni PO3 Lamsis sa baybayin ng Barangay San Teodoro matapos magsagawa ng retrieval ope­ration ang PNP, Maritime, Phil. Coast Guard at mga Bantay-Dagat.

Show comments