Pari dedo sa scuba diving

Manila, Philippines - Isang 39-anyos na pari ang nasawi matapos malunod sa scuba diving sa karagatan ng Barangay Balogo, sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur noong Friday the 13th. Sa ulat ng pulisya, kinilala ang nasawi na si Fr. Ariel Sumpay, kura paroko ng Our Lady of Salvacion Pa­rish sa bayan ng Ragay. Base sa imbestigasyon, ang biktima kasama ang kapwa nito pari na tinukoy lamang sa pangalang Fr. Pitpit , ilang kaibigan at grupo ng diving team ay nagtungo sa Pasacao para sa diving lesson. Sinasabing nag-scuba diving sa may 96 talampakang ilalim sa karagatan ang biktima kasama ang kanyang diving instructor nang maganap ang trahedya. Bigla na lamang dumaing na kinakapos sa supply ng oxygen ang biktima habang nasa ilalim ng karagatan. Agad namang dinala sa Municipal Health Office ang biktima upang lapatan ng first aid bago ito isinugod sa Mother Seton Hospital kung saan idineklarang patay.

Show comments