Reporter itinaboy sa b-party ng ex-governor
CAMARINES NORTE, Philippines — Isang reporter ng Pilipino Star Ngayon na naimbitahang dumalo sa birthday party ni ex-Camarines Norte Governor Jesus “Atoy” Typoco Jr. ang binastos sa harapan ng mga bisita saka pinagtabuyan palabas sa rest house ng dating gobernador sa Barangay Bagasbas, sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng gabi.
Bandang alas-6:45 ng gabi nang dumalo ang reporter na si Francis Elevado matapos bigyan ng imbitasyon ng isang staff ni Typoco.
Gayon pa man, isang nagngangalang Boyet ng Capalonga, Camarines Norte, na tumatayong bodyguard/driver ng bigbike ni ex-Gov. Typoco ang lumapit kay Elevado at pasenyas na pinagtabuyan mula sa nabanggit na okasyon.
Hindi pa nakontento si Boyet ay pinagsisigawan sa harap ng mga bisita ni Typoco.
“@#T@& !#, lumabas ka dito, hindi ka puwede sa ganitong okasyon,” pabulyaw na pahayag ni Boyet laban kay Elevado.
Upang umiwas sa anumang kaguluhan ay napilitang lumabas sa compound ni Typoco ang nasabing reporter habang si ex-Gov. Typoco Jr. ay kasalukuyan pa lamang paparating sa okasyon lulan ng SUV Hammer na sinasabing nagkakahalaga ng P7 milyon. Kaagad namang humingi ng paumanhin ang nag-imbitang staff ni Typoco kay Elevado sa pambabastos ni Boyet na sinasabing lango sa alak.
- Latest
- Trending