CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng apat-katao na sinasabing miyembro ng kidnap-for ransom gang kabilang ang dalawang pulis-Laguna matapos maaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa kasong pagdukot sa isang negosyante kamakalawa ng hapon sa Barangay Lecheria, Calamba City, Laguna.
Kinilala ni CIDG Director, P/Chief Supt. Samuel D. Pagdilao Jr. ang mga suspek na sina PO2 Jonathan Ricamonte, 36, ng Los Baños PNP; PO2 Albert Mamalayan, 29, ng Luisiana PNP; Marco Moncayo, 34, ng Brgy. Paciano, Rizal, Calamba City; at si Renel Palinlagui, 40, ng Brgy. Lecheria, Calamba City.
Ang mga suspek ay itinuturong dumukot kay Rolando I. Montano, 39, ng Barangay Poblacion sa Biñan City, Laguna.
Nadakma ang apat matapos magsumbong ang ina ni Montano na si Gloria Montano, 63, sa pulisya kaugnay sa pagkadukot sa kanyang anak ng suspek na si Emerson “Sonny” Silva.
Lumilitaw na nakatanggap ng text message ang matandang Montano mula kay Silva na humihingi ng P15,000 kapalit ng kalayaan ni Rolando.
Kaagad naman inilatag ang operasyon ng mga tauhan ng CIDG Region 4A sa pangunguna ni P/Senior Supt. Edwin Jose Nemenzo at ng Laguna Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) kung saan ginamit na pain ang kaibigan ni Rolando na si Kim del Rosario na mag-aabot ng pera sa mga suspek sa isang botika sa Crossing Calamba.
Nang makarating sa pinagkasunduang lugar ay kaagad na iniangkas sa motorsiklo (VE4949) si del Rosario at biglang sumibad ang isa sa suspek patungo sa di-malamang direksyon at maiwanan ang mga nakasubaybay na operatiba.
Bandang alas- 2:30 ng hapon nang dumating si del Rosario sa opisina ng CIDT at itinuro ang safehouse ng mga suspek sa Brgy. Lecheria, Calamba City kung saan nasagip naman ang biktima.
Narekober sa mga suspek ang tatlong baril, magazine na may 7-bala, 2 plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.