MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nasawi sa magkahiwalay na lalawigan matapos atakehin sa puso habang nanonood sa telebisyon ng boxing match nina Manny "Pacman” Pacquiao at American boxer Sugar Shane Mosley noong linggo.
Idineklarang patay sa Cebu City Medical Center si Sonny Estremos, 65, na sinasabing nagalit matapos bilangan ng referee na si Kenny Bayless si Pacman nang mapaupo dahil sa pagkakatulak ni Mosley sa 10th round.
Sa police report, nakaranas ng paninikip ng dibdib si Estremos hanggang sa bumagsak ito kaya isinugod sa ospital.
Lumilitaw din na sobra na ang nakitang katuwaan at panggigigil ang biktima matapos mapatumba kaagad ni Pacman sa 3rd round si Mosley.
Samantala, namatay din si Leonardo Jallorina 73, matapos mapanood ang kanyang idolong si Manny Pacquiao na bumagsak sa lona.
Narinig pa ni Aling Adelina ang kanyang mister na sumigaw dahil sa pagbagsak ni Pacman subalit nang makabawi ay nakahinga, nagpatuloy sa panonood.
At nang nasa 9th round na ang laban, biglang natahimik ang matanda at nangisay saka nasawi.
Maliban sa mag-ina ay nalungkot din ang alagang aso ni Mang Leonardo na kasa-kasama ng matanda sa pagdya-jogging sa umaga at katabi sa pagtulog at pagkain.