Buntis na trader ginulpi, hinoldap

BULACAN, Philippines  – Isang 24-anyos na negosyanteng buntis ang pinagtulungang gulpihin at holdapin ng dalawang lalaki sa bisinidad ng Barangay Pulong Buhangin sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi. Luhaang dumulog sa himpilan ng pulisya si Jennifer Cañete, 24, apat na buwang buntis, ng Brgy. Mag-asawang Sapa na natangayan ng mamahaling celpone at P28,000 cash. Samantala, sa follow-up operation ay nadakma ang isa sa dalawang holdaper na si Godofredo Balaba, 25, pintor, tubong Misamis Oriental at nakatira sa El Pueblo Subd., Brgy. Mag-asawang Sapa sa nasabing bayan. Ayon kay PO2 Benrashid Mansul, pauwi na ang biktima nang harangin at gulpihin ng dalawang lalaki saka kinaladkad sa sasakyan. Matapos holdapin ay inabandona sa madamong bahagi ng Barangay Partida sa Norzagaray ang lupaypay na biktima kung saan sinaklolohan naman ng mga barangay tanod at dinala sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital sa bayan ng Sta. Maria.

Show comments