ORIENTAL MINDORO, Philippines – Boluntaryong nagpasuspinde sa Sandiganbayan si Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali Jr. kaugnay sa kasong kinakaharap kung saan taliwas sa ugali ng mga pulitikong kapit-tuko sa puwesto.
Base sa liham na ipinadala kay Department of Interior & Local Government (DILG) Secretary Jessie Robredo na may petsang Abril 29, 2011 ipinaalam ni Gov. Umali sa ahensiya na nagkukusa niyang susundin ang utos ng Sandiganbayan na nagpapataw sa kaniya ng suspension order na tatagal ng 90-araw kaugnay sa kasong kinasangkutan noong 1994.
Matatandaang may nakabinbing kaso si Umali sa Sandiganbayan tungkol sa illegal disbursement ng pondo kung saan si Rep. Rodolfo Valencia pa ang nakapuwestong gobernador.
Si Umali na napabilang sa demanda dahil siya ang provincial administrator kasama ang tatlong iba pang opisyal ay nagpautang ng P2.5 milyon sa negosyanteng si Alfredo Atienza para ikumpuni ang barkong M/V Ace.
Ang naturang barko ay ginamit sa paghahatid ng mga produktong agricultural ng Mindoro na sinalanta ng apat na sunud-sunod na malalakas ng bagyo noong 1993.
Idinagdag pa ni Umali na nagdesisyon siyang magpakumbababa na lang para iiwas ang kaniyang malapit na kaibigang si Pangulong Noynoy Aquino sa mga posibleng intriga na gamitin ng Pangulo ang kaniyang impluwensiya para paboran ng korte sa kaniyang pending case sa Sandiganbayan.