PITOGO, QUEZON ,Philippines — Isang 13-anyos na dalagita ang walang awang ginilitan ng leeg hanggang sa mamatay matapos na gahasain ng hindi nakikilalang salarin sa magubat na bahagi ng Brgy. Ilaya Pina ng bayang ito, kamakalawa ng hapon. Pansamantalang itinago sa pangalang Mirla ang biktima na residente ng naturang lugar. Ayon kay PO3 Marla Manalo ng Womens Desk Section, dakong alas-3 ng hapon ay huling nakitang buhay ang biktima na naglalakad sa kalye patungo sa kanilang bahay matapos na makipanood ng telebisyon sa kapitbahay. Dakong alas-3:15 ay natagpuan ni Herminigildo Abat ang biktima na walang buhay na nakahandusay sa kagubatan, duguan ang leeg nito na halos humiwalay na sa kanyang katawan kung saan wala itong pang-ibabang saplot at duguan ang ari na palantandaang ni-rape ng salarin.