MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang iniulat na nasawi habang 22 iba pa ang naisugod sa ospital matapos manalasa ang diarrhea sa bayan ng Daraga, Albay, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat na ipinalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kontaminadong tubig-inumin na mula sa bukal ang isa sa dahilan ng diarrhea sa Barangay Gapo.
Dalawa sa tatlong nasawi ay sina Rolly Maravillas at Arthur Mirandilla na kapwa 53-anyos.
Naratay naman sa ospital sina Erwin Maravillas, Mikaela Completo, 8-buwang sanggol; Kevin Completo, 9; Salvador Completo, 30; Marivic Completo, Arnel Maravillas, Leoncita Maravillas, Darwin Loremia, Gillian Mesa, Juvy Maravillas, Angie Maravillas, Darryl Maravillas, Divine Joy Ugay, Mary Jane Maravillas, Gilmen Mesa, Carly Ugay, Homer Mesa, Aron Maravillas, Giselle Maravillas, at si Mary Jane Mesa.
Inihayag ng opisyal na ang diarrhea ay nagsimulang maitala noong huling bahagi ng Marso kung saan lumala hanggang Abril at sa pagpasok ng Mayo 2011.
Sa isinagawang ocular inspection ng lokal na health officials nabatid na ang maruming tubig na nagmumula sa bukal ang sanhi ng diarrhea.
Kaugnay nito, pinayuhan na ng lokal na pamahalaan ang mga residente na pakuluang mabuti ang kanilang inuming tubig upang makaiwas sa dairrhea.