MANILA, Philippines - Bumanat muli ang mga pinaghihinalaang bandidong Abu Sayyaf matapos na dukutin ang isang negosyanteng Filipino-Chinese sa Sitio Lambayong, Brgy. Busbus, Jolo, Sulu nitong Biyernes ng hapon. Kinilala ang biktima na si Nelson Lim, 67, may-ari ng Times Hardware and Plaza Panceteria sa kapitolyo ng Jolo. Bandang alas-5:30 ng hapon nitong Biyernes nang dukutin ng pitong mga armadong suspect ang biktima sa nasabing lugar. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kasalukuyang pauwi na ang biktima nang harangin ng mga armadong suspek saka agad itong tinutukan ng baril at kinaladkad sa naghihintay na getaway vehicle. Ang biktima ay tinangay ng mga suspect sa direksyon ng Brgy. Sandah, Patikul, Sulu, isa sa mga balwarteng lugar ng mga bandidong Abu Sayyaf sa lalawigan. Bandang alas-6:30 ng gabi naman ng marekober nang tumutugis na tropa ng Philippine Marine Landing Team (MBLT) 5 ang kulay itim na L 300 van (JBY-608) na ginamit ng mga bandido sa pagtangay sa biktima. Base sa impormasyon ang grupo ni Abu Sayyaf Sub-Commander Asman Sawadhaan ang nasa likod ng pagdukot sa nasabing biktima.