2 sundalo, ex-councilor kinidnap ng NPA rebels
MANILA, Philippines - Dalawang sundalo na kabilang sa peace and development team at isang dating Brgy. Councilor ang dinukot ng may 30 mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa highway ng Brgy. Datu India, President Roxas, North Cotabato nitong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division Spokesman Col. Prudencio Asto, bandang alas-2 ng hapon ng harangin ng mga rebelde ang mga biktima na magkakaangkas sa motorsiklo sa Sitio Dalinding, Brgy. Datu India sa nasabing bayan.
Kinilala ni Asto ang dinukot na dating konsehal na si Mr. Euliory Lastimoso ng Brgy. Datu India, President Roxas ng nabanggit na lalawigan.
Sinabi ni Asto na ang dalawang sundalo ay pawang miyembro ng peace and development team ng Army’s 57th Infantry Battalion. Ang mga ito ay kinilala sa report ng Police Regional Office (PRO) 12 na sina Cpl. Delfin Samsom at Pfc Jayson Valenzuela.
Inihayag ni Asto na ang mga biktima ay mag-iinspeksyon sana ng sira-sirang eskuwelahan sa isang lugar sa naturang bayan kaugnay ng Internal Peace Security Plan (IPSP) ng AFP ng maganap ang insidente.
Samantala, sugatan naman ang apat na sundalo matapos pasabugan ng landmine ng may 60 rebelde na nanambang sa tropa ng pamahalaan sa Brgy. Parasanon, Maragusan, Compostela Valley dakong ala-1:45 kamakalawa.
Kinilala ni Lt. Col Lyndon Paniza, Spokesman ng Army’s 10th Infantry Division (ID), ang mga nasugatang sundalo na sina Pfc. Ralph Divino, Pfc Edmon Causing, Pfc Michael Cris Bacamante at Private Laster Cacal; pawang isinugod sa Panacan Station Hospital sa Davao City para malapatan ng lunas.
Nagsiatras naman ang mga rebelde matapos na mamataan ang reinforcement troops ng tropang gobyerno na may back-up ng mga helicopter.
- Latest
- Trending