MANILA, Philippines - Pinalaya na kahapon ng madaling-araw ang kinidnap na negosyanteng Tsinoy na si Jinky Yap sa Maguindanao. Ayon kay P/Senior Supt. Danny Reyes, director ng Cotabato City PNP, si Yap ay pinalaya sa liblib na bahagi ng Datu Piang, Maguindanao. Ayon kay Cotabato City Administrator Cynthia Guiani-Sayadi, nauna nang nakipagnegosasyon ang mga kidnaper sa pamilya ni Yap sa halagang P15-milyon pero bumaba ito sa P.5 milyon. Hindi naman makumpirma ni Reyes na nagbigay ng ransom ang pamilya ng biktima kapalit ng paglaya ni Jinky. Sa tala ng pulisya, naganap ang insidente noong Biyernes (Abril 1) habang nagbabantay ng Aly General Merchandise store si Jinky sa Sinsuat Avenue. Dinala si Jinky sa Kabuntalan, Maguindanao kung saan narekober ng awtoridad ang Kia Besta van na ginamit ng mga kidnaper malapit sa Kakar River.