Alert Level 2 sa Taal Volcano
MANILA, Philippines - Itinaas na kahapon sa Alert Level 2 ang Taal Volcano sa Batangas matapos ang sunud-sunod na pagyanig at paglobo ng magma sa bunganga ng bulkan.
Sa ipinarating na ulat ng Phivolcs sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), bandang alas-7 ng umaga ay inilarga sa alert level 2 dahil sa abnormalidad ng bulkan na nakapagtala na ng 21 pagyanig sa loob ng 24-oras.
Samantala, may indikasyon na maglalabas ng magma ang bulkan bunsod ng pagtaas ng ‘carbon dioxide emission’ kung saan nangangahulugang dumaranas ng pag-aalburuto ang Taal volcano.
Tumataas ang pagbabaga ng bato at putik sa loob ng bulkan na sinasabing nakaambang sumabog.
Bunga nito, sinabi ni NRRMC Executive Director Benito Ramos, ipinagbabawal na ang mga residente maging ang mga turista sa may pitong kilometro danger zone mula sa bunganga ng bulkan upang makaiwas sa posibleng sakuna.
“Phivolcs advises the public that the Main Crater, Daang Kastila Trail and Mt. Tabaro are strictly off-limits because sudden hazardous steam-driven explosions may occur and high concentrations of toxic gases may accumulate,” ayon pa sa abiso ng NDRRMC.
- Latest
- Trending