Karinderya naatrasan ng van:1 patay, 9 sugatan
RIZAL, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa isang 46-anyos na mister habang siyam iba pa ang nasugatan matapos salpukin paatras ng van ang karinderya sa Barangay San Juan sa bayan ng Cainta, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Metro Doctors Hospital si Rodolfo De Leon ng San Juan St., Barangay San Juan, Cainta.
Habang naisugod naman sa Metro Doctors Hospital at Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang mag-asawang Angelo Borbe at Sheree Ann, at ang anak na si Shemran Borbe, 3, pawang nakatira sa PFCI Floodway, Brgy. San Andres, Cainta; Mon Fernando, 24, ng Sitio Bayabas, Taytay; Edelson Parayo, 20, ng Tolentino St., Brgy. San Juan, Cainta; Jarwin Mangalos, Jenalyn Beltran, 26, ng Youngstown Village, Brgy. San Juan; at si Dorothy Diaz, 37, ng Youngstown Ave., Youngstown Village.
Pormal naman kakasuhan ang drayber na si Delma Tacayon, 50, ng 4th Street, Youngstown Village.
Batay sa ulat ng pulisya, kumakain ang mga biktima sa Ate Matet Karinderya sa harapan ng The House of Printer Corp. sa San Juan Gym, ROTC Hunters, nang maatrasan ang mga biktima.
Maging si Diaz na nagtitinda ng barbecue sa tapat ng karinderya at motorsiklo (VF-3844) ni PO3 Marvin San Juan ay nadamay.
Sa lakas ng pagkakabangga ng van ay tumilapon ng ilang metro ang mga biktima.
- Latest
- Trending















