Mag-asawang kinidnap pinalaya

MANILA, Philippines - Matapos ang ilang araw na pagkakabihag, pinalaya na ang dinukot na mag-asawa sa bayan ng Piagapo, Lanao del Sur kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga pinakawalang bihag na sina Atty. Poroa Sangcaan, 57, legal officer  ng DENR Iligan City at Bairah Datumanong Sangcaan, 53, pampublikong guro at kapwa naka­tira sa Barangay Poblacion, Marawi City.

Ayon ng hepe ng Directorate for Integrated Police Operations sa Western Mindanao na si P/Director Felicisimo Khu, ang mag-asawa ay pinawalan sa bahagi ng Barangay Mamaanun sa nabanggit na bayan.

Napag-alamang nagka-trauma ang mag-asawa at hindi pa makausap kaugnay ng posibleng bayaran ng ransom kapalit ng kanilang kalayaan.

Sa tala ng pulisya, naganap ang insidente matapos harangin ng apat na armadong kalalakihan ang kulay berdeng Toyota Adventure (WEZ-656) ng mag-asawa sa highway ng Brgy. Kalaganan, Pantar, Lanao del Sur noong Marso 23 ng hapon.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na malaki ang posibilidad na pulitika ang isa sa motibo ng pagdukot sa mag-asawa dahil si Atty. Sangcaan ay legal officer na nagsilbing Board of Election noong nakalipas na eleksyon.

Show comments