Pulis bulagta sa paglalaro ng baril
MANILA, Philippines - Masaklap na kamatayan ang sinapit ng isang 37-anyos na pulis matapos pumutok ang sariling baril saka tumama sa kanyang dibdib habang nakikipag-inuman sa Barangay Camputhaw, Cebu City, Cebu noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si PO2 Gonzalo Matondo Jr. ng Cebu City Public Safety Company at nakatalaga sa Barangay Buot-Taop.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nakikipag-inuman ang offduty na si PO2 Matondo sa kaniyang mga kaibigang sina Asuncion Fontanasa, Barangay Tanod, Tacio Bardomeo, at Brgy. Tanod Milford Pinatil nang paglaruan nito ang kanyang cal. 9mm pistol.
Sa kabila ng pakiusap ng kaniyang mga kaibigan na huwag paglaruan ang baril ay itinutok pa ng biktima sa kaniyang dibdib kung saan sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang pumutok.
Narekober ng mga nagrespondeng awtoridad ang bumarang bala sa baril ng biktima, black holster, plastic magazine, handcuff, tatlong bala at tatlong basyo ng bala ng baril.
Ayon kay PO3 Michael Codaste ng Homicide Section, isasailalim pa rin sa paraffin test si Matondo at kanyang mga kaibigan para mabura ang alinlangang may naganap na foul play.
- Latest
- Trending