BULACAN ,Philippines — Kalaboso ang binagsakan ng dalawang sibilyan makaraang maaresto ng pulisya dahil sa pag-ingat ng 2,000 kilong karneng botcha noong Sabado at Linggo sa Bulacan.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Eduardo Flores ng bayan ng Marilao at Domingo Vargas ng Barangay San Pedro sa bayan ng Bustos, Bulacan.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Wendy Rosario, si Flores ay naaresto sa checkpoint sa kahabaan ng Blas. F. Ople Diversion Road sa Brgy. Bulihan sa Malolos City kung saan nakumpiska ang 1,500 kilong karne ng baboy na nakalagay sa 85 kahon at walang maipakitang kaukulang papeles.
Nabatid na dadalhin sana ni Flores na lulan ng van ang mga karne sa palengke ng Hagonoy subalit naharang ng mga tauhan ni P/Supt.Baltazar Mamaril Jr.
Kasunod nito, naaresto naman si Vargas na lulan ng Hyundai van (XBZ 553) matapos maharang sa Barangay Cruz na Daan, San Rafael sa inilatag na checkpoint ng mga tauhan ni P/Supt. Fritz Macariola. Wala naman maipakitang papeles si Vargas sa nakumpiskang 600 kilong karne ng baboy na sinasabing botcha.