2 tinedyer na katulong pinatay

MANILA, Philippines - Dalawang tinedyer na kasambahay ang iniulat na pinaslang ng hindi pa kilalang lalaki sa naganap na brutal na krimen sa Barangay Villamonte, Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa.

Kinilala ang dalawa na sina Joyce Bancaya,17; at Keen Malunes, kapwa nakatira sa Brgy. Manghanoy, La Castellana  ng nasabing lalawigan.

Si Bancaya ay dead-on- the spot habang idineklara patay sa Bacolod City Hospital si Malunes.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Ricardo de la Paz na nakarating sa Camp Crame, natuklasan ang kri­men matapos umuwi mula sa pagsimba ang amo ng dalawa kung saan pinaniniwalaang pinatay sina Bancaya at Malunes sa pagitan ng alas-10 at alas-11 ng umaga.

May palatandaan ding tinangkang halayin ang isa sa biktima dahil nakababa na ang underwear nito nang matagpuan ang bangkay sa crime scene.

Samantala, wala namang palatandaang puwersahang pinasok ang tahanan ng amo ng dalawa na indikasyong kilala ng pamilya ng pinaglilingkuran ng mga suspek.

Wala namang nawawala sa tahanan ng amo ng mga biktima kung saan lumilitaw pa sa imbestigasyon na hinampas ng matigas na bagay si Bancaya sa ulo at iba pang bahagi ng katawan habang inaalam pa kung paano pinatay ang kasamahan nito.

Show comments