Laguna massacre: 3 katao kinatay
CAMP VICENTE LIM, Laguna ,Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-inang US citizens at kasambahay nila makaraang gilitan ay pinagtulungan pang pagsasaksakin ng mga 'di-kilalang lalaki sa naganap na masaker sa San Pablo City, Laguna kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Gilberto Dela Cruz, Laguna PNP director ang mga napaslang na sina Julius Fronda, 51, retired US Marines; Zenaida Fronda, 74, biyuda, kapwa US Citizens at ang kasambahay na si Lalyn Olgena, 17, pawang nakatira sa #284 Unson Street, Barangay II-C sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay P/Insp. Benjamin Tapeño, chief investigator ng San Pablo PNP, nadiskubre ang krimen matapos mapansin ng bayaw ng matandang Fronda na si Ceferino Abril na hindi lumalabas ng bahay ang mag-ina noong Linggo.
Kaagad naman tinungo ng mga pulis at ilang opisyal ng barangay kasama si Abril ang bahay ng pamilya Fronda at tumambad sa kanila ang magkakapatong na bangkay ng tatlo sa loob ng kuwarto bandang alas-5:00 ng hapon.
Pawang may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nilaslas pa ang mga leeg, ayon sa mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
“Posibleng kilala ng tatlo ang mga suspek kaya sila pinatay at wala kaming nakitang forcible entry sa kanilang bahay,” pahayag ni Tapeño
May teorya ang mga imbestigador ng pulisya na paghihiganti at pagnanakaw ang motibo dahil sa pagkawala ng P19,000 cash at mga dolyar mula sa bahay ng Fronda.
Tumanggi namang pangalanan ng ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sinasabing nagtatago lamang sa karatig pook habang nagsasagawa nang follow-up operation ang pulisya.
- Latest
- Trending