Trader tinodas

BATANGAS ,Philippines  – Kinalawit ni kamatayan ang isang 46-anyos na negosyante matapos barilin at mapatay ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng kanyang grocery store sa Talisay kahapon ng umaga.

 Kinilala ni Sr. Inspector Manuel Maligaya, hepe ng Talisay Police ang biktimang si Nicolas Landicho, residente ng Zone 8, Poblacion, Talisay at may-ari ng Nicalima Grocery.

Ayon sa report, nasa counter ng grocery si Landicho nang lapitan ng isang lalaking naka-bonnet na armado ng cal. 45 pistol at paputukan ang biktima ng ilang beses bandang alas-6:30 ng umaga.

Isinugod pa sa St Andrew Hospital si Landicho pero ideneklara na itong patay ng mga doktor dahil sa tinamong limang tama ng bala sa kanyang katawan.

 Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong awayan sa negosyo ang posibleng motibo ng pagpatay kay Landicho.

Show comments