Misis, anak minasaker ni mister

CAVITE ,Philippines  – Humantong sa malagim na trahedya ang away ng mag-asawa matapos tadtarin ng saksak hanggang sa mapatay ng isang naburyong na mister ang kaniyang misis at anak kahapon ng mada­ling araw sa Brgy. Virata, General Mariano Alvarez ng lalawigang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Delilah Laudit, 49- anyos at anak nitong si Lension Laudit, 17 taong gulang, estudyante; pawang residente sa lugar.

Arestado naman ang suspek na nakilalang si  Loreto Laudit, 47-anyos at kasalukuyan ngayong nakakulong sa himpilan ng pulisya sa bayang ito.

Base sa imbestigas­yon, bandang alas-4:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa hindi pa mabatid na dahilan.

Napikon ang nabur­yong na ama at agad na kumuha ng patalim at wa­lang sabi-sabing inundayan ng mga saksak ang kanyang mag-ina.

Narekober sa lugar ng mga nagrespondeng awtoridad ang duguang bangkay ng mag-ina na pinagpatong pa ng suspek na pawang tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Humihimas na ng rehas na bakal ang naarestong suspek na nahaharap sa dalawang counts ng parricide.

Show comments