GUIMBA, Nueva Ecija, Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang 49-anyos na overseas Filipino worker (OFW) mula sa Libya matapos gilitan ng nakaalitan nitong lalaki habang nag-iinuman sa Barangay Triala ng bayan ng Guimba, Nueva Ecija noong Miyerkules ng madaling-araw. Nasa Guimba General Hospital si Renato Regacho y Dulay, 49, may-asawa, at pinauwing OFW mula sa Libya matapos sumiklab ang kaguluhan. Naaresto naman ang suspek na si Emil Eugenio matapos makorner ng mga barangay tanod sa pangunguna ni Chairman Nonong Libunao. Lumilitaw na senglot ang suspek nang dumating sa bakuran ng biktima na nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan. Kasunod nito, nakipagtalo ang suspek sa biktima hanggang sa maganap ang krimen.