Totoy sinaksak ng kalaro dahil sa saranggola

QUEZON, Philippines  — Dahil lamang sa saranggola, isang 10-anyos na totoy ang sinaksak at nasugatan ng 11-anyos na kalaro sa bahagi ng Barangay Ipilan sa Tayabas, Quezon kamakalawa.

Naisugod sa Tayabas Community Hospital ang biktimang itinago sa pa­ngalang Arthur na nagtamo ng malalim na sugat sa tiyan habang ang suspek na itinago naman sa pa­ngalang Max, 11, Grade IV pupil at ngayon ay nasa pangangalaga ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD).

Batay sa ulat ni PO2 Geraldine Anat, naganap ang insidente dakong ala-una ng hapon kung saan nagpapalipad ng saranggola ang biktima.

Nang dumating ang suspek ay pilit na hinihiram ang saranggola pero tumanggi ang biktima.

Dahil dito, galit na umalis ang suspek pero bumalik bitbit ang isang matalim na kutsilyo na kinuha sa kanilang kusina saka pinagsasaksak ang kalaro.

Show comments