CAMP ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines – Aabot sa 18 pulis na nakatalaga sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan at Nueva Ecija ang naaresto matapos masamsam ang 23 motorsiklo na kinarnap mula sa Metro Manila.
Sa ulat na isinumite ni OIC Provincial Director P/SSupt.Wendy Rosario kinilala ang naunang nasakote si PO2 Mcford Hugo, 30, ng Tondo, Manila at nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Sta. Maria matapos isagawa ang operasyon ng mga tauhan nina P/Supt. Edwin Quilates at P/Chief Insp. Noel Nunez sa bisinidad ng Barangay Pagala sa bayan ng Baliwag, Bulacan.
Si PO2 Hugo ay naaktuhang nagbebenta ng motorsiklo na inagaw kay Joel Fricante ng Sta. Cruz, Manila.
Matapos maaresto si PO2 Hugo ay ikinanta naman nito ang pitong pulis na sangkot din sa bentahan ng karnap na motorsiklo na sinasabing may kaugnayan sa serye ng carnapping sa Bulacan.
Kasalukuyang sumasailalim na sa tactical interrogation sa Camp Alejo Santos ang mga pulis na karnaper
Kabilang sa mga motorsiklong narekober ay nasa nasabing kampo.
Samantala, nalalagay naman sa balag ng alanganing masibak sa serbisyo at makasuhan ang 11-pulis- Nueva Ecija matapos makumpiskahan ng mga motorsiklo na sinasabing kinarnap sa karatig pook.
Sumasailalim na rin sa tactical interrogation ang mga pulis na nakatalaga sa Nueva Ecija Provincial Public Safety Company matapos mabigong magpakita ng kaukulang papeles sa ginagamit nilang motorsiklo.
Mismong ang hepe ng PPSC na si P/Supt. Edgar Alan O. Okubo, ang nakadiskubre sa ginawang modus-operandi ng kanyang mga tauhan kung saan iturned - over sa Nueva Ecija Highway Patrol ang mga karnap na motorsiklo.