38 estudyante na-suffocate sa ashfall
MANILA, Philippines - Dahil sa muling pag-aalburuto ng Mt. Bulusan na nagbuga ng makapal na usok, 38 estudyante ang na-suffocate sa ashfall sa Sorsogon.
Sa ulat ni Army’s 9th Infantry Division spokesman Major Harold Cabunoc, sinuspinde ang klase sa mga bayan ng Juban, Irosin at sa bayan ng Bulan na pawang binagsakan ng ashfall ng Mt. Bulusan.
Kabilang ang 20 estudyante mula sa Gallanosa High School sa bayan ng Irosin ang nakalanghap ng abo, 10 naman sa Bulan National High School at 8 sa Alcova Elementary School.
Wala ring elektrisidad sa bayan ng Bulan at maging ang linya ng mga telekomunikasyon ay naapektuhan ang operasyon.
Samantala, umaabot sa 2,000-katao ang inilikas matapos na muling magbuga ng abo ang bulkang Bulusan sa Sorsogon kahapon ng umaga.
Nabatid na umabot ng 20-minuto ang pagbuga ng abo at makapal na usok sa muling pag-aalburuto ng Bulusan Volcano na nasaksihan ng mga residente dakong alas-9:12 ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, aabot sa 3 kilometrong layo ang abo sa timog hilagang direksyon kung saan bumagsak sa mga apektadong bayan.
Ipinagbabawal sa mga residente na tumungo sa idineklarang 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib na nakaamba.
- Latest
- Trending