Amok sa Cavite at Batangas: 2 dedo, 4 grabe

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na napaslang habang apat iba pa ang sugatan matapos pagtatagain sa magkahiwalay na insidente ng karahasan sa Cavite at Batangas noong Valentine’s Day.

Sa naantalang ulat na nakarating sa Region 4A police office, napatay si Domingo Libang Sr., 69, ng Barangay Banjo West, Tanauan City, Batangas matapos pagtatagain ng suspek na si Serafin Barrion, 47.

Ayon sa police report, natutulog si Libang Sr. sa sariling bahay kasama ang misis na si Ana nang pasukin at pagtatagain ng suspek bandang alas-8:30 ng umaga.

Samantala, sugatan naman si Ana na nagtamo ng mga sugat sa katawan.

Bago tumakas ang suspek ay pinagtataga rin si Alberto Macaraig na kabarangay ng pamilya Libang kung saan kapwa dinala sa Mercado Hospital subalit namatay si Libang.

Samantala, napatay din si Blas Ermitanio, 84, ng Barangay Halang, Amadeo Cavite matapos pagtatagain naman ng suspek na si Ariel Rue, 31, ng nasabing barangay.

Nasa kritikal naman kalagayan ang mga apo ni Ermitanio na sina Edlyn Ermitanio, 13; at Kim Abel Ermitanio, 20, na ginagamot sa Dela Salle Medical Center sa Dasmariñas City, Cavite.

Show comments