MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na lolo ang iniulat na napaslang makaraang pagsasaksakin ng kanyang misis na lola dahil sa pagpapalit ng SIM card sa cell phone na may ka-txtmate kamakalawa ng hapon sa bayan ng Caba, La Union.
Kinilala ang napatay na si Lolo Alberto Timario habang ang kanyang asawa ay nakilalang si Lola Erlinda.
Batay sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-asawa sa Barangay Gana dakong alas-5 ng hapon.
Nabatid na nagsimula ang away ng mag-asawa nang umuwing senglot ang lolo na may hawak na cellphone at pinagalitan ng kanyang misis dahil sa biglaang pagpapalit ng SIM card sa kaniyang cell phone kaya pinagdudahang may textmate na ibang babae.
Sa gitna ng pagtatalo, sinaktan ni Alberto ang kanyang asawa na hindi naman nakapagpigil ay kumuha ng kutsilyo sa kusina saka pinagsasaksak ang lolo.
Duguang bumulagta ang biktima habang nahaharap naman ngayon sa kasong kriminal ang matandang babae.