3 katao todas sa kasalan

MANILA, Philippines –  Nabahiran ng dugo ang masayang kasalan matapos na mapatay ang tatlo-katao habang isa namang sundalo ang nasugatan noong Biyernes ng gabi sa bayan ng Libon, Albay.

Kinilala ni Army’s 9th Infantry Division spokesman Major Harold Cabunoc ang tatlo na sina Jerick Embuega, 19; Brimin Dacer, 28; at si Drilon Dacer, 31.

Nasa ligtas namang kalagayan si Private 1st Class Jeff Revale, 22.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa ikinasal na sundalong si Private 1st Class Jose Robrigado Jr. sa Brgy,. Burabod dakong alas -9 ng gabi kung saan dumalo si Pfc. Revale kasama ang pinsang si Embuega.

Habang kumakain ang magpinsang Revale at Embuega ay dinaluhong ng saksak ng mag-utol na Dacer na sinasabing kapwa lango na sa alak.

Kahit na sugatan ay nakuha ni Revale ang kanyang cal. 45 pistol at pinaputukan ang dalawang nanaksak na agad ring namatay.

Base sa prinsipyo ng self-defense sa ilalim ng Revised Penal Code ay  karapatan ni Revale na ipagtanggol ang sarili, ayon kay Cabunoc kung saan ipinag-utos naman ni 9th Infantry Division chief Major Gen. Ruperto Pabustan na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.

Show comments