Chairwoman itinumba
MANILA, Philippines - Sinalubong ni kamatayan ang isang 51-anyos na barangay chairwoman matapos pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan na magkaangkas sa motorsiklo sa Barangay Quintong sa San Carlos City, Pangasinan kamakalawa.
Kinilala ang napaslang na si Conrada Posadas na misis ni ex-San Carlos City Councilor Butch Posadas.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang pamamaslang bandang alas-8 ng gabi habang pauwi na ang biktima.
Nabatid na nakipagpulong ang biktima sa kaniyang mga kasamahan sa barangay hall kaugnay sa mga proyekto nito.
Lumilitaw na inabangan ng motorcycle-riding gunmen ang pag-uwi ni Chairwoman Posadas saka ito niratrat habang naglalakad.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending