Bus hulog sa bangin: 39 sugatan

QUEZON , Philippines  – Aabot sa 39-katao ang iniulat na nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong bus sa may 30 talampakang lalim na bangin sa bahagi ng Old Zigzag Road sa Maharlika Highway sa Barangay Sila­ngang Malicboy sa bayan ng Pagbilao, Quezon kahapon ng umaga.                    

Naisugod sa Jane County Hospital sa nabanggit na bayan ang mga nasugatang pasahero habang ang iba naman ay kinakalinga ng pamahalaang barangay.

Lumilitaw na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng Eagle Bus (THP 443) na si Pepito Santuele, 50 kaya bumulusok sa bangin.

Sinisisi naman ng mga pasahero ang drayber ng bus na si Santuele dahil sa pagiging kaskasero nito.

Napag-alamang binalaan ng mga pasahero ang driver na maghinay-hinay sa pagmamaneho patu­ngong Maynila mula sa Naga City dahil sa pakurbadang highway, subalit binalewala hanggang sa maganap ang aksidente.

Nasugatan din si Santuele subalit hindi na ito nakita habang isinasagawa ang rescue operation.

Show comments