5 patay sa killer truck

NUEVA ECIJA , Philippines   – Lima-katao kabilang ang isang tinedyer na kaanak ni Mayor Froilan Nagano ang iniulat na nasawi makaraang salpukin ng truck ang kanilang traysikel sa kahabaan ng Maharlika Highway sa bayan ng San Leonardo, Nueva Ecija kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Chief Insp. Francisco Mateo, police chief sa bayan ng San Leonardo ang mga namatay na sina Jay Pee Mactal, 19; Manuel Bote, 18; Jay Mark Nagano, 18, pawang nakatira sa Barangay Mambangnan; isang alyas Ana at isang guest relations officer na si Arlene.

Nabatid na si Mactal ay magdaraos ng kanyang kaarawan kasama ang grupo sa Barangay Castellano nang nakasalubong si kamatayan.

Lumilitaw na sinalpok ng truck (CXB 790) ni Marcelino Labadista ang likurang bahagi ng traysikel ng mga biktima kaya nagtuluy-tuloy na sumalpok sa puno ng acacia bago bumaliktad at sumalpok sa poste ng kuryente.

Tumakas naman ang drayber na sinasabing kawani ng Noel Trucking sa San Fernando City, Pampanga matapos ang trahedya.

Sumuko naman ang pahinante ng truck na si Remy Piyal.

Show comments