Newsman, 1 pa todas sa holdaper
KIDAPAWAN CITY , Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na napatay makaraang holdapin ang mga pasahero ng pampasaherong van sa bayan ng Pikit, North Cotabato, noong Sabado ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Insp. Elias Dandan, hepe ng Pikit PNP, ang napaslang na van driver na si Johnny Cadungog at ang journalist na si Romeo Benjumia, correspondent ng Fiscalizer (local tabloid) sa bayan ng Midsayap at karatig bayan at miyembro ng P-Palma Press Corps.
Lumilitaw na isa sa 14 na pasahero ng van na patungong bayan ng Kabacan sa North Cotabato ang pumara sa panulukan ng Fort Pikit kung saan apat na armadong kalalakihan naman ang kaagad na sumakay at nagdeklara ng holdap.
Nang aktong paandarin ng driver ang van, binaril siya sa ulo ng isa sa mga holdaper.
Binaril din ang pasaherong si Benjumai matapos tumangging ibigay ang kanyang personal na gamit.
Sa follow-up operation nina Dandan, P/Senior Insp. Jose Marie Simangan ng 2nd Regional Public Safety Battalion ng PNP-12 at Lt. Epthea Domingo ng 7th Infantry Battalion ng Phil. Army sa bahagi ng Barangay Ladtingan noong Linggo ng umaga, naaresto naman ang isa sa apat na holdaper na si Tohamie Gumaga habang tugis naman ang lider ng grupo at utol ni Tohamie na si Ali Mamaluba Gumaga.
Narekober sa hideout ng mga suspek ang isang baril at motorsiklo na ginamit sa krimen.
Ito ang ikalawang madugong holdapang naganap sa bayan ng Pikit noong nakaraang linggo kung saan napatay naman ng dalawang holdaper ang kahera ng isang bahay-sanglaan at ang negosyanteng si Alex Dendi.
- Latest
- Trending