SAN ILDEFONSO, Bulacan, Philippines — Napaaga ang salubong ni kamatayan sa dalawang lalaki matapos ang mga itong pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem habang nag-aabang ng masasakyan sa waiting shed sa bayang ito kahapon ng umaga. Hindi na umabot pa ng buhay matapos isugod sa ospital ang mga biktima na nakilalang sina Jose Jimenez, 42 ng Brgy. Maasim at Romeo Veneracion, 56 ng Brgy. Sapang Putik kapwa sa San Ildefonso. Sa imbestigasyon, dakong alas-7:15 ng umaga habang nag-aabang ng masasakyan ang dalawang biktima sa waiting shed ng Maharlika highway sa bayang ito ng biglang sumulpot ang mga armadong suspek na magkaangkas sa Honda XRM motorcycle na walang plaka. Armado ng cal 9 MM pistol ay bigla na lamang niratrat ng mga suspek ang mga biktima na siya ng mga itong ikinasawi. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.